Habang may buhay ay may pag-asa

In Shahada

Ito ay isang kwento ng isang kasambahay na dumaan sa matinding pagsubok.

Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

Ang Kadakilaan at Kaluwalhatian ay para lamang sa Allah nawa’y ang kapayapaan at Pagpapala ng Allah (swt) ay ipagkaloob sa Kanyang huling sugo na si Propeta Muhammad (صلى الله عليه وسلم).

Isang kwento ng isang katulong sa Gitnang Silangan na nagbakasaling magkaroon ng magandang buhay para sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Ang kwentong ito ay inilahad ng isang mamahayag o Daa’ey na kung tawagin, siya ay naging Phil. Consulate Coordinator sa Tabuk ng mahigit kumulang sa loob ng 5 taon.

Maraming pangyayaring naganap sa ating mga kababayan na humihingi ng tulong para maging maayos ang kaso o gumaan ang sintensya o hatol ng hukuman, babae man o lalaki. Nariyan yong di pinasasahod ng ilang buwan, may tumatakas sa Employer, may nakulong dahil sa pag patay, paggawa ng alak, sugal, babae at iba pa. Pero ang ilalahad niyang ito ay kakaiba sa lahat ng mga pangyayari.

Si Ma. Teresita V. Robes na taga Bulacan ay umalis ng pilipinas bilang isang kasambahay patungo sa Tabuk, Kaharian ng Saudi Arabia. Siya ay dumating sa Tabuk noong ika 23 ng Enero 1993. Iniwanan niya ang kanyang asawa at 3 anak na dalawang lalaki at isang babaeng bunso, at ang edad ng bunso sa kanyang pag-alis ay anim na taong gulang. Umalis at pumunta sa isang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya at maaihaon sa hirap ng walang pinangangambahan kung ano ang mayroon sa mga taong kanyang pinagsisilbihan. Masayang masaya siya habang nagbibiyahe na nakasakay sa eroplano at namumuo sa kanyang mga mata ang pag-asa para sa kanyang pamilya dahil sa wakas matutupad niya na rin ang mga pangarap ng kanyang mga anak, makapag-aral ng maayos, at makakain ng maayos, magkaroon ng magandang buhay.

Noong dumating na siya sa kanyang patutunguhan na kung saan ito ay ang bayan ng Tabuk sa Saudi Arabia, sa loob ng tatlong buwan ay maayos pa ang pakikitungo sa kanya ng mag-asawang na kanyang amo at nakakatanggap siya ng sahod mula sa kanyang amo sa loob ng tatlong buwan, at sa loob ng maraming buwan na kanyang paninilbihan ay hinikayat siya ng kanyang amo na pumasok sa Relihiyong Islam. Bagamat wala siyang alam kung ano ang Islam at ano ang turo nito dahil walang nagpapaliwanag sa kanya sa wikang tagalog at hindi rin marunong magsalita ang kanyang amo ng wikang English, na kung kaya, kanya itong pinasok bilang pakikitungo at paggalang sa kanyang mga amo kahit hindi niya naintindihan ang mga ito.

Ngunit makalipas ang ilang buwan ay nagsimula ang mga bagay na hindi niya inaasahan. Nagsimula ang hindi magandang pakikitungo ng kanyang amo sa kanya.
Noong ika 23 Agusto 2010 ay may tumawag sa pulis kay Sheikh Ahmad Espinosa mula sa himpilan ng pulisya dahil pinakukuha nila sa kanya ang isang Pilipina, dahil daw tumakas mula sa kanyang amo at gusto ng mga pulis na ipagkakatiwala ang pilipina sa kanya dahil siya ay isang mamahayag o Daa’eya ng Communities Guidance Office ng Tabuk at naging Coordinator ng Phil. Consulate. Pagkatapos ng pakikipag-ugnayan, dinala ito ni Sheikh Ahmad sa kanyang tahanan na doon kasama niya sa loob ng kanyang tahanan ang may bahay ni sheikh Ahmad at dito ay binigyan niya ng paglilinaw kung ano ang mga nangyari sa kanya sa loob ng mahabang panahon habang siya ay nasa kamay ng kanyang amo.

Habang tumutulo ang kanyang mga luha, makikita sa kanyang mga luha at mukha ang lungkot at galit habang isinasalaysay ang mga nangyari sa kaniya at isinalaysay din niya kung papaano ang ginawa niyang pagtakas sa halip ng kanyang kalagayang kumakapa-kapa dahil sa nagkaroon ng problema ang kanyang paningin. Kanyang ikinuwento, na hindi ibinigay sa kanya ng kanyang amo ang kanyang sahod mahigit 17 taong paninilbihan sa kanila maliban doon sa 3 buwan na nauna, pagkatapos noon ay hindi na siya nakatanggap ng sahod.

Sa loob ng mahigit na panahong ito, hindi nakatanggap ang kanyang pamilya ni iisang sulat mula sa kanya, kaya laking alala ang kanyang pamilya sa kanya, dahilan sa ang kanyang pamilya ay mahirap lamang at walang alam sa bagay bagay tungkol sa pamamaraan kung saan isasangguni ang kanilang suliranin tungkol sa kung ano ang nangyayari sa kanya at dahil na rin malayo ang kanilang tinitirhan mula sa Manila upang asikasuhin sa agency kung ano ang nangyari sa kanya, ay iniisip na lamang ng kanyang pamilya na baka nagbago na ang kanilang ina o baka nakakita na siya ng bagong lalaki na makakasama niya sa haba ng panahon, dahil ni sulat at padala mula noon ay wala silang natatanggap.

Pero, hindi nila batid ang totoong nangyari, bawat buwan ay nagpapadala siya ng sulat at ito ay ibinibigay niya sa kanyang amo at nakiusap na ihulog ang kanyang sulat, ngunit ang masaklap na nangyari, akala niya ang kanyang sulat ay naipadala nila, ngunit isinantabi lamang ng amo niya ang kanyang mga sulat, at sinasabi sa kanya na ito ay nahulog na nila, “kaya pala wala silang iisang sagot mula sa mga sulat ko, dahil ang kanilang mga sulat sa akin ay kanila ding tinago at hindi pinakita sa akin”, ayon sa kanya. Ito ay nalaman niya lamang isang araw bago siya makatakas. Siya ay kinukulong at hindi pinalabas ng kanyang amo sa loob ng kanilang bahay, dahilan ng pagkakaroon niya ng sakit na Catarata dahil sa hindi na siya nasisinagan ng araw. Siya ay pinagbuhatan ng kanyang among lalaki, sipa, suntok at tadyak, samantalang ang kanyang among babae ay pinaplantsahan ng mainit ang kanyang likod at ibang bahagi ng katawan, at ito ay ipinakita niya sa mag-asawang Sheikh Ahmad ang mga pasa na dulot ng mainit na plantsa at pambubugbog. Siya ay hindi pinapatulog, hindi pinapakain minsan sa loob ng isa o dalawang araw, at habang natutulog siya tinatadyakan siya ng kanyang among babae para gumising at gumawa ng gawaing bahay at iba pang di makatarungang-gawain ng kanyang mga amo sa kanya.
Mula noon naging matindi ang poot galit niya sa kanyang amo at sa mga Muslim pangkalahatan. Kaya inalis sa kanyang puso ang pagyakap niya sa Islam at kinapopootan niya sa loob ng maraming taon, dahil sa matinding pasakit na nakamit niya mula sa kanyang mga amo.

At ikinuwento din niya kung papaano siya tumakas, isang araw itinakda ng Allah na iwanan ng kanyang among babae ang bahay na bukas at walang natira sa bahay kundi ang mga maliliit na bata lamang, sapagkat ang kanyang amo ay nakakulong na rin dahil sa maraming kaso. Nakarinig siya ng mga tunog na dumadaan na sasakyan, dahil sa saulo na niya ang bawat sulok ng bahay, kumapkap siya sa pintuan na kung saan doon niya naririnig ang mga sasakyan na dumadaan, nagbabakasakali sa pagkakataong ito na sana bukas ang bahay upang siya ay makatakas. Nang papalapit siya sa pinto ay may nararamdaman ang kanyang mata na liwanag sa kabila ng pagkakaroon niya ng Catarata ay nararamdaman niya ang liwanag. Kaya naman kinapa niya ang sulok hanggang sa napag-alaman niya na ito ay bukas. Kaya dali dali siyang kumakapa kapa papalabas ng bahay. At nakarating siya sa kalsada, at dito nakita siya ng isang Mutawwa’ habang kinakapa niya ang sulok ng kalsada, at siya ay tinanong kung ano ang kanyang ginagawa, at doon sinabi niya na dalhin siya sa mga Pulis. Kaya naman dinala siya nito sa mga pulis patungong himpilan.

Sa loob ng 3 araw na pamamalagi niya sa bahay ng mag-asawang Sheikh Ahmad Espinosa ay inamin niya na dati ay niyakap niya ang Islam ng walang kaalaman, ngunit ito ay napalitan ng poot at galit dahil sa nangyari sa kanya. Ang ginagawa ng mag-asawa upang maibsan ang kanyang galit at poot sa mga Muslim at Islam ay ipinapakita lamang nila ang Islam sa pamamagitan ng pagsabuhay nito tulad ng pagsasalah, pakikipag-usap sa kanya ng maayos at iba pa. At kapag-umaalis ang mag-asawa sa bahay upang magtrabaho ay iniiwan ng mag-asawa na buksan ang TV upang mapakinggan niya ang mga Islamikong turo tulad ng Huda Chanel at iba pa, para sa ganoong paraan ay maibsan ang kanyang galit at poot sa mga Muslim at Islam. Dahil sa pagpapayo ng mag-asawa, pagpapaliwanag ng maayos sa tulong ng mag-asawa at pagsama niya sa Islamic Center [Women Section] upang makinig sa mga aral ng Islam ay muling pumukaw sa kanyang puso ang liwanag ng Islam sa awa ng Allah (swt). Kaya naman muli siyang nagbalik-loob sa Allah, siya ay sumaksi muli na walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah at si Muhammad (saw) ay Kanyang propeta at huling sugo at si Hesus na anak ni Maria o Maryam ay sugo at propeta lamang ng Allah ‘Shahaadatayn’, at ang kanyang napiling pangalan ay MARYAM.

Isang Taon at Limang Buwan nanatili siya sa kamay ng mag-asawa, sa loob ng pananatili niya sa kamay ng mag-asawang Ahmad Espinosa at ng kanyang may bahay, siya ay naging mabuting Muslimah, isinasabuhay niya ang turo ng Islam, naging aktibo sa pakikinig sa mga sermon sa Islamic Center, at naalalo ko noong bagong yakap pa siya sa Islam, siya ay nagtanong sa akin pagkatapos ng aking sermon sa kanila, ‘Kung ang Islam ay nagturo ng mga kabutihan bakit, bakit may Muslim na ubod ng kasamaan?’ pagtatanong niya, at batid ko na ang tinutukoy niya ay ang kanyang pinagdaanan, sa awa ng Allah naipaliwanag natin ng maayos ang kanyang katanungan, hanggang sa naisip niya na ang bawat pangyayari ay may kadahilanan. Sa tulong ng mag-asawang Espinosa ay pinagamot nila ang kanyang dalawang mata na may sakit na Catarata at Alhamdolillah, naging maayos ang operasyon ng kanyang mga mata at muli siyang nakakita. At sa tulong din ng mag-asawa, walang araw pagkatapos ng kanyang pagyakap sa Islam, na hindi inaasikaso ni Shiekh Ahmad at inilalakad ang mga dokumento ni sister Maryam sa Higher Court, upang makuha niya ang kanyang sahod sa loob ng mahigit 17 taon. At napagdesisyonan ng Korte na kinakailangan magbayad ang kanyang amo sa kanya ng halagang ‘130,000 Saudi Riyals’ humigit kumulang 1,500,000 pesos. Walang araw din na hindi inasikaso ni Shiekh Ahmad ang kanyang papilis o dokumento para siya ay makauwi ng Pilipinas.

Habang inaantay na makuha ang karapatan ni sister Maryam, ay gumawa siya ng paraan at ang mag-asawa kung papaano makontak at kung papaano malaman ang kinalalagyan ng kanyang pamliyang naiwan sa Pilipinas, hanggang sila ay nakipag-ugnayan sa OWWA ng Phil. Consulate Jeddah. Sa mahabang panahon doon pa lamang niya nakausap ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng Cellphone, habang naririnig namin ang pag uusap ng buong pamilya na umabot sa 1 oras ay hindi namin mapigilan ang pagdaloy ng luha sa aming mga mata. Ang kanyang mga anak ay may kanya-kanya ng asawa maging ang bunsong babae na dating 6 na toan, ngayon ay 23 taong gulang na at may 2 anak na rin. Ang kanyang makisig na asawa ay may sakit na rin, sapagkat si Maryam ay may sakit din na high blood, catarata, sugar at ashma, bandang huli natuklasan ng mag-asawa na may sakit na rin pala siya sa puso. Di nagtagal makalipas ang 1 taon ang kanyang asawa ay binawian na ng buhay, hindi maka-uwi si Maryam dahil sa ina-antay pa niya ang kanyang perang makukuha mula sa desisyon ng Korte.

Ayon kay Sheikh Ahmad “Habang siya ay nanatili sa amin sa loob ng 1 taon at 5 buwan, pagkamatay ng kanyang asawa ay napapansin namin na nanghihina na rin siya. Kaya ang payo ko sa kanya, ‘na kung ipagkakatiwala mo sa amin na kami na lang ang magpa aasikaso ng kini-claim mo sa court para maka uwi ka, atleast makita mo man lang ang iyong pamilya’. Siya ay sumang ayon, kaya nilakad ko ang kanyang travel documents mula sa Phil. Consulate dahil expired na ang kanyang passport. Ang date of issue ng travel document ay 22 ng October 2011 at ang expiration ay 22 January 2012.”

Dagdag pa ni Sheikh Ahmad, “sa katunayan noong huling bakasyon naming mag-asawa nitong taon 2012 ay napuntahan namin ang kanilang lugar sa Bulacan at na-meet namin ang tatlong magkakapatid, ibinigay namin lahat ang mga personal na pag aari niya. Ang kanyang kaso sa kasalukuyan ay patuloy pa rin naming pina follow up para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.”

Kabilang sa napakagandang pangyayari sa buhay ni sister Maryam ay noong ika 19 ng Enero 2012, tatlong araw bago mawalan ng bisa ang kanyang travel documents, isang surpresang hindi inaasahan ng lahat…

Ayon kay Sheikh Ahmad: “Si sister Maryam ay binawian ng buhay ay natagpuan kong naka sujod ‘nagpapatirapa habang nagsasalah’, sa oras ng 9 ng gabi araw ng Huwebes, sa gabing iyon ay naunang umuwi ang aking asawa sa bahay at bigla niya akong tinawagan sa cellphone at ang sabi niya na kinakailangan kong umuwi agad at habang siya ay nagsasalita rinig ko ang boses ng aking asawa na tumutulo ang mga luha habang nagsasalita at nanginginig, kaya naman dali dali akong umuwi ng bahay, at doon natagpuan ko na sister Maryam ay nagpaalam na habang nagpapatirapa sa Allah. Allahu Akbar. At ayon sa mga Nurse ng King Khalid Hospital ang kanyang daliri ay tumitigas at hindi maibuka na tumi-testigo na wala nang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah. Pinaliguan siya, binalot, pinag salahan ng Salatul Janazah at inilibing sa libingan ng mga Mu’meen sa araw ng Biyernes.”

Sa sakit at gastusan na naramdaman ng 3 tatlong anak at pagkamatay ng kanilang ama ay nabigla din ang kanyang pamilya makalipas ng 4 na buwan na namatay din ang kanilang ina. Kaya nakapag disisyon ang pamilya ni sister Maryam na ilibing na lamang sa Saudi Arabia ang labi ng kanilang ina.

“Alhamdulillah, nakarating siya ng Makkah upang magsagawa ng Umrah kahit wala siyang Iqama at Passport bago siya namatay. Nitong huling Hajj 1433 H. siya ay ipinag Hajj ng isa sa aming Staff ng Islamic Center.” Dagdag ni Sheikh Ahmad Espinosa

Subhanallah isang napakagandang katapusan ng buhay ng isang Muslimah (kaawan at kahabagan nawa siya ng Allah, tanggapin ang kanyang mabubuting gawa at patawarin ang kanyang pagkakasala), siya ay namatay sa Araw ng Biyernes, at habang nagpapatirapa binawian siya ng buhay, at sumasaksi pa ang kanyang mga daliri sa kaisahan ng Allah, at ang pinakamalaking bagay siya ay binawian na isang Mananampalataya sa Allah, at bago nilisan ang mundo na ito ay nakapagsagawa pa ng isa sa mga haligi ng Islam walang iba kundi ang Hajj na kasama ang ‘Umrah.. Allahu Akbar Allahu Akbar!

Walang sino man ang makakapagsabi ng kahihinatnan ng isang tao maliban lamang ang Allah. Kaya naman habang ikaw ay may buhay, ikaw ay may pag-asa. Lahat ng kaganapan sa likod nito ay may mabigat na kadahilanan. Tanggapin ito ng buong puso dahil ito ay ipinahintulot ng Allah na mangyari at magpunayagi sa kung ano ang tama at nararapat, sa huli makakamtan mo ang kaginhawaan In shaa Allah.

Naway ang kwentong ito ay maging mabuting larawan sa bawat mambabasa na huwag mawalan ng pag-asa. At naway makapagbigay sa inyong lahat ng aral In shaa Allah. At dapat nating malaman na ang buhay sa ibang bansa lalo na sa mga katulong ay hindi basta basta.

Kaya, kung sino man ang ginabayan ng Allah (swt) ay walang sino mang makapagliligaw sa kanya. At kung sino man ang hinayaang maligaw ng Allah (swt) ay walang sino man ang makapag gabay sa kanya. Barakallahu fikum.

You may also read!

Bulaklak ng Bayang Pilipinas

Download >>Bulaklak ng Bayang Pilipinas-NEW

Read More...

Mobile Sliding Menu