Isa sa mga bukod-tanging biyaya ng Diyos sa tao na nagdadala sa kanya sa kabutihan at maaliwalas na kinabukasan ay ang “Talino“. Nang dahil dito ay napagpaplanuhan niya ng mabuti ang bawat bukas para sa kanyang sarili at sa kanyang mga mahal sa buhay. Marahil ito rin ang dahilan kung bakit siya ay nagingibang bansa upang magamit ang talinong ito na kung papalari’y makamit ang minimithing tagumpay. Ang bawat tao ay may pangarap; pangarap na umasenso, yumaman, sumikat, at iba pa. Kaya puspusang nagsusumikap. Matalino ang tao! Hindi pa man dumarating sa ibang bansa ay nakaguhit na ang kanyang mga plano para sa kanyang pamilya at bayan. Subalit hanggang dito nalang ba?
Ang talinong ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay masasayang lamang kung hindi magamit sa tunay na paggagamitan nito – ang pagtahak sa tuwid na landas. Kung ang talino ay hanggang mga makamundong-bagay lamang, wala itong kaibahan sa isang parasuit na hindi ibinuka sa himpapawid hanggang sa pagbagsak sa lupa! Ang taong matalino ay sadyang bukas ang kanyang kaisipan sa mga bagay na maaaring hindi pa niya nalalaman o natutuklasan higit lalo sa usaping relihiyon sapagkat kaligtasan sa Kabilang-buhay ang nakasalalay rito. Ang pagpaplano ay hindi lamang para rito sa mundo bagkus ay higit lalo sa Kabilang-buhay.
Kung talino ang pag-uusapan ay hindi pahuhuli ang mga Pilipino. Sa katunayan, kahanga-hanga ang bihasa ng mga Pilipino sa pagkilatis sa mga materyal na bagay kung ito ay orig o peke. Likas na rin sa mga Pilipino ang palagiang paghahanap ng “Orihinal” na kagamitan. Matalino ang Pinoy! Ngunit nakakalungkot isipin na pagdating sa pagkilatis sa Tunay na Relihiyon na siyang pinakamahalagang dapat kilatisin ng isang tao habang nasa mundong ibabaw, marami sa mga Pilipino ang ayaw gamitin ang talino!
Ang talino ay nagsisilbing susi ng tao upang matahak ang Tuwid na Landas, makilala ang Tunay na Diyos na Lumikha at makamit ang Kaligtasang minimithi sa Kabilang-Buhay. Ang Diyos ay Ganap at Hindi nagkakamali. Kung tayo ay naniniwala sa Katangian Niyang ito, malinaw na ang Kanyang Kapahayagan ay Ganap din at walang pagkakamali. Ipinakikilala sa atin ng Dakilang Tagapaglikha (mahigit isang libo’t apat na raang taon) ang Kanyang huling kapahayagan (ang Qur’an):
“Hindi baga nila isinasaalang-alang (pinag-iisipan ng mabuti) ang Qur’an? Kung ito ay nagmula maliban pa kay Allah, katiyakang sila ay makakatagpo rito ng maraming pagkakasalungatan.” (Qur’an 4: 82)
Hanggang kailan po tayo magpapaloko sa mga taong nagnenegosyo sapamamagitan ng relihiyon? Hanggang kailan po tayo tatalikod, magbubulagbulagan at magbibingi-bingian sa katotohanan? Gaano po tayo katiyak sa landas na ating tinatahak? Kailan po tayo gigising sa katotohanan? Kapag huli na ang lahat? Nasaan ang talino…
Para po sa mga nais tahakin ang Tunay na Relihiyon ni Propeta Hesu Kristo (Sumakanya Nawa ang Kapayapaan) o mayroong mga katanungan hinggil sa Islam, karangalan po naming makapaglingkod sa inyo bilang alipin ng Dakilang Tagapaglikha (Allah). Hangad po namin ang Tagumpay (Paraiso) para sa lahat. Nawa’y ipagkaloob sa atin ni Allah ang Kanyang Gabay tungo sa Tuwid na Landas. Amen.
Haron M. Guro
Islamic University of Madinah, KSA