TAÓNG 1325 nang simulan ng isang kabataang lalaki mula sa Tangier, Morocco, ang kaniyang paglalakbay sa ilang malalayong lupain
Nakilala si Ibn Battuta bilang ang Muslim na nakapaglakbay sa pinakamaraming lupain bago ang makabagong panahon. Mababasa sa talambuhay niya, na isinulat noong pauwi na siya pagkaraang maglakbay nang halos 30 taon, ang maraming detalye tungkol sa buhay at kultura noong ika-14 na siglo, lalo na ng mga Muslim.
Paglalakbay Patungong Mecca
Nilisan ni Ibn Battuta ang Tangier para dumalaw sa mga sagradong lugar at magsagawa ng hajj, ang pagpunta sa Mecca na ipinag-uutos sa bawat adultong Muslim na may kakayahang magsagawa nito. Ang Mecca ay mga 4,800 kilometro sa silangan ng Tangier. Gaya ng karamihan sa mga manlalakbay, sumama si Ibn Battuta sa mga caravan para makarating nang ligtas sa kaniyang destinasyon.
Dahil isang qadi, o lokal na hukom, ang ama ni Ibn Battuta, tumanggap siya ng edukasyon ng isang qadi, ang pinakamahusay na maibibigay sa Tangier. Nang malaman ito ng mga kapuwa niya manlalakbay, inatasan nila siya na magsilbing hukom nila para lumutas sa anumang pagtatalo.
Patungong Alejandria, Cairo, at Mataas na Nilo
Ang caravan ay dumaan sa baybayin ng Hilagang Aprika patungong Ehipto. Nakita roon ni Ibn Battuta ang bantog na parola ng Alejandria
Mula sa Cairo, naglakbay siya sa Nilo patungo sa Mataas na Ehipto. Malugod siyang tinanggap ng mga taong relihiyoso, mga monasteryo, at mga tuluyan at kolehiyong tinutustusan ng donasyon
Umikot sa Halip na Dumeretso
Dahil desidido pa rin si Ibn Battuta na makarating sa Medina at Mecca, naglakbay siya pahilaga patungo sa Gaza, tapos ay sa Hebron, at pagkatapos ay sa lugar na ipinapalagay na pinaglibingan kina Abraham, Isaac, at Jacob. Noong patungo siya sa Jerusalem at sa dambana ng Dome of the Rock doon, tumigil siya sa Betlehem, kung saan napansin niyang ang lugar na sinilangan ni Jesus ay itinuturing na sagrado ng mga nag-aangking Kristiyano.
Pagkaraan, naglakbay pahilaga si Ibn Battuta patungong Damasco, kung saan siya nag-aral sa ilalim ng iginagalang na mga iskolar na Muslim at naging kuwalipikado na maging guro. Sinabi niyang ang Umayyad Mosque sa lunsod ang “pinakamaringal” sa buong daigdig. Ang mga tindahan doon ay nagbebenta ng mga alahas, tela, stationery, aklat, at mga kagamitang kristal, samantalang ang mga puwesto ng mga notaryo publiko ay may “lima o anim na testigo at isang tao na awtorisado ng qádí na magkasal.” Sa katunayan, habang nasa Damasco, nag-asawa si Ibn Battuta. Pero ang kaniyang napangasawa ay isa lang sa marami na naging asawa o kerida niya na pahapyaw lang na binanggit sa kuwento.
Sa Damasco, sumama si Ibn Battuta sa ibang manlalakbay na patungong Mecca. Minsan, nagkampo ang grupong ito sa isang bukal kung saan gumagamit ng mga balat ng bupalo ang mga kargador ng tubig para makagawa ng malalaking imbakan o tangke. Dito kumukuha ng tubig ang mga manlalakbay para ipainom sa mga kamelyo at para ilagay sa kanilang mga sisidlang balat bago tumawid ng disyerto. Sa wakas, nakarating siya sa Mecca. Ito ang una sa pitong paglalakbay niya roon. Karaniwan na, ang mga manlalakbay ay umuuwi na pagkatapos gawin ang mga ritwal. Pero iba ang ginawa ni Ibn Battuta. Pumunta muna siya sa Baghdad “para lang makapamasyal doon,” ang sabi ng isang biyograpo.
Nawili sa Paglalakbay
Sa Baghdad, na kabisera noon ng Islam, hangang-hanga si Ibn Battuta sa mga pampublikong paliguan. “Sa bawat paliguan ay maraming pribadong banyo,” ang sabi niya, “na bawat isa ay mayroon ding isang lababo sa sulok, na may dalawang tubo para sa mainit at malamig na tubig.” Sa tulong ng isang mabait na heneral, nakilala niya ang sultan, si Abu Sa’id. Binigyan naman siya nito ng mamahaling mga regalo
Pagkatapos, naglayag si Ibn Battuta patungo sa mga daungan ng Mogadishu, Mombasa, at Zanzibar sa Silangang Aprika bago naglakbay patungong Arabia at Gulpo ng Persia. Inilarawan niya ang mga tao, mga kaugalian, at mga produktong nakita niya
Mula sa India Patungong Tsina
Sa India, naglingkod nang walong taon si Ibn Battuta bilang qadi para sa sultan ng Delhi. Dahil alam na mahilig siyang maglakbay, ipinadala siya ng sultan bilang embahador kay Togon-temür, ang Mongol na emperador ng Tsina. Pagdating niya roon, ibibigay niya ang regalo ng sultan na “sandaang thoroughbred na kabayo, sandaang aliping puti, sandaang mananayaw at mang-aawit na babaing Hindu, isang libo at dalawang daang piraso ng iba’t ibang uri ng tela, ginto at pilak na kandelero at palanggana, kasuutang burdado, sombrero, talanga, espada, guwantes na may burdang perlas, at labinlimang bating.”
Sa daungan ng Calicut sa timugang India, nakakita si Ibn Battuta ng malalaking barko ng mga negosyante, tinatawag na junk, na naglalayag sa ruta na plano niyang daanan papuntang Tsina. Ang ilan sa mga ito ay may 12 layag, na gawa sa nilálang kawayan, at may hanggang1,000 tripulante
Dahil sa pagkawasak ng barko, hindi naisagawa ni Ibn Battuta ang kaniyang misyon sa Tsina bilang embahador. Sa halip, naglingkod siya sa isang pinunong Muslim sa Maldives at siya ang unang nag-ulat tungkol sa mga kaugalian doon. Nang maglaon, nakarating din siya sa Tsina. Nagustuhan niya ang mga bagay na nakita niya roon pero dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala, hindi niya nagustuhan ang iba. Dahil kakaunti lang ang iniulat niya tungkol sa Tsina, nagdududa ang iba kung nalibot nga niya iyon gaya ng sinabi niya. Marahil ay nakarating lang siya sa mga daungan sa timugang Tsina.
Napakalungkot na Pag-uwi
Nang makabalik siya sa Damasco, nalaman ni Ibn Battuta na ang anak na lalaki na naiwan niya roon mga 20 taon na ang nakalilipas ay 12 taon nang patay at ang kaniyang ama, na nakatira sa Tangier, ay 15 taon nang patay. Noon ay taóng 1348, at sinasalot ng Black Death ang Gitnang Silangan. Iniulat pa nga ni Ibn Battuta na 21,000 ang namamatay sa Cairo araw-araw!
Pagkaraan ng isang taon, ang 45-anyos na manlalakbay ay nakabalik sa Morocco. Pero nalaman niya na namatay sa salot ang kaniyang ina mga ilang buwan pa lang ang nakararaan. Siya’y 21 anyos pa lang nang umalis. Nasiyahan na kaya siya sa 24 na taon ng paglalakbay? Lumilitaw na hindi pa, dahil di-nagtagal ay nagpunta naman siya sa Espanya. Pagkaraan ng tatlong taon, naglakbay siya sa huling pagkakataon
Inutusang Isulat ang Talambuhay
Nang malaman ng sultan ng Fez, Morocco, ang kaniyang mga paglalakbay, inutusan siya nito na isulat ang kaniyang salaysay para sa korte at binigyan pa nga siya ng kalihim, si Ibn Juzayy. Hindi gaanong nakilala ang kaniyang akda sa wikang Arabe, at naisalin lamang ito sa mga wikang Kanluranin nang muli itong madiskubre ng mga iskolar na Europeo noong ika-19 na siglo.
Sinabi ni Ibn Juzayy na ang salaysay ay pinaikling bersiyon ng ulat ng manlalakbay, pero lumilitaw na may mga binago siya rito. Gayunman, ang akda ay nagbibigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa buhay, komersiyo, kaugalian, relihiyon, at pulitika sa mga lupaing pinuntahan ni Ibn Battuta, lalo na tungkol sa mga bansang Muslim noong Edad Medya.