May mga nagsasabi na ang inyong Qur’an ay kinopya sa bibliya, totoo ba ito?

In FAQ's

Ito po ay napakalayo sa katotohanan sapagkat, una, si Propeta Muhammad (Sumakanya Nawa ang Kapayapaan) ay hindi nakapag-aral, hindi marunong bumasa at sumulat. Ni hindi siya nagkaroon ng ugnayan sa alinmang monako (monghe) o pari sa kanyang panahon. Siya ay isinilang at lumaki sa paligid ng mga pagano.

Pangalawa, ang Lumang Tipan ay unang naisalin sa wikang Arabik ni R. Saadias Gaon noong 900 C.E. paglipas ni Propeta Muhammad (Sumakanya Nawa ang Kapayapaan). At ang Bagong Tipan ay unang nailimbag sa wikang Arabik ni Erpenius noong 1616 C.E., mahigit isang libong taon pagkatapos ni Propeta Muhammad (Sumakanya Nawa ang Kapayapaan).

Pangatlo, may mga iisang kwentong binabanggit sa Qur’an at Bibliya subalit magkaiba ang mga pangyayari. Halimbawa: Ang Qur’an at Bibliya ay parehong tumutukoy sa nangyaring pagbaha sa panahon ni Propeta Noah (‘alaihis salam). Ayon sa Bibliya ang bahang ito ay pandaigdigan subalit ayon sa Qur’an ito ay lokal, particular sa lugar lamang ni Propeta Noah. Ang Bibliya at Qur’an ay parehong tumutukoy sa pagpanaw ni Pharaoh. Ayon sa Bibliya si Pharaoh ay nalunod sa dagat at naglaho. Subalit ayon sa Qur’an si Pharaoh ay nalunod nga sa dagat ngunit niligtas ng Allah ang kanyang katawan pagkatapos nitong mamatay bilang tanda sa mga di-nananampalataya. Ang pangalang “Haman” ay hindi binabanggit sa Bibliya subalit ito ay binabanggit sa Qur’an ng anim na beses bilang pinuno ng mga arkitekto ni Pharaoh. Batay sa mga mananaliksik ng kasaysayan, kanilang napatunayang ang pagbaha sa panahon ni Noah ay lokal at hindi pandaigdigan. Kanila ring napatunayan ang katotohanan tungkol kay “Haman” nang ang isa sa mga tablet noong 196 B.C. ay kanilang matagpuan sa Ehipto noong 1799. Sa tablet na ito ay nakasulat ang pangalang “Haman” bilang pinakamalapit kay Pharaoh at pinuno ng kanyang mga arkitekto. Ang paglitaw ng katawan ni Pharaoh ay nangangahulugan din ng katotohanan ng Qur’an.

Pang-apat, ang mga Alagad o Sugo at Propeta ng Diyos ayon sa Bibliya ay naglalasing (Genesis 9:21), nagpapakita ng kalaswaan sa lipunan (2 Samuel 6:20), nakikipagtalik sa hindi nila mga asawa maging sa kanilang mga anak (Genesis 19:33-35), nanlalamang sa kapwa, hindi makatarungan, nang-aagaw ng asawa at iba pa na hindi kailanman binabanggit sa Qur’an. Sa katotohanan, ang Qur’an ay salungat sa mga paratang na ito sa mga Propeta ng Diyos sapagkat ang mga Propeta ay matutuwid, hindi kailanman sumusuway sa kalooban at batas ng Diyos dahil sila ang daan at modelo ng sangkatauhan.

Panglima, napakaraming binabanggit sa Bibliya hinggil sa siyensiya na hindi tama at angkop, at mga prophecy na hindi nagkatotoo. Kung ang Qur’an ay kinopya mula sa Bibliya, tiyak na kayo ay makakatagpo rin dito ng mga kamalian hinggil sa siyensiya, pagkakasalungatan, mga prophecy na hindi natupad, at mga pag-aakusa sa mga Propeta na katulad ng nasa Bibliya. Ang Allah ay naghahamon sa mga hindi nananampalataya magmula pa noong ipahayag Niya ang Qur’an kay Propeta Muhammad (Sumakanya Nawa ang Kapayapaan) magpahanggang ngayon upang hanapan ng mali o pagkakasalungatan ang Qur’an subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nakakagawa nito. Ang sabi ng Allah: {{Hindi baga nila isinasaalang-alang (pinag-iisipan nang mabuti) ang Qur’an? Kung ito ay nagmula (sa iba) maliban pa sa Allah, katotohanang sila ay makakatagpo rito ng maraming pagkakasalungatan.}} (Qur’an 4:82)

You may also read!

Bulaklak ng Bayang Pilipinas

Download >>Bulaklak ng Bayang Pilipinas-NEW

Read More...

Mobile Sliding Menu