Ano ang Qur’an?

In FAQ's

Ano Ang QUR’AN?

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

Ang salitang Qur’an ay nanggaling sa salitang Arabik na qara’a na ang ibig sabihin ay pagbasa. Ang Qur’an ay nangangahulugan ng Basahin, Bigkasin, Ipahayag, o Ipagbadya. Ang Qur’an bilang kanyang pangalan ay mahigit sa limampung beses na binabanggit ng Allah bilang pangalan ng Aklat. Mababasa natin halimbawa sa Qur’an ang mga sumusunod:

“Hindi baga nila isinasaalang-alang ang Qur’an ng may pagpapahalaga? Kung ito ay nanggaling mula sa iba at hindi sa Allah, katotohanang sila ay makatatagpo roon ng maraming pagkakaiba-iba.” [Qur’an, 4:82]

“Katotohanang Aming ipinahayag ang Qur’an sa Arabik upang ito’y inyong maunawaan (at makapagkamit ng karunungan)” [Qur’an 12:2]

Ang pamagat ng dakilang aklat na ito ay iginawad ng Allah. Hindi ang mga Muslim ang nagbigay ng pangalan nito. Taliwas sa ibang pananampalataya, halimbawa’y ang Kristiyanismo, ang pangalan ng kanilang “banal” na aklat ay ibinigay ng tao. Hindi kailanman mababasa sa Biblia na sinabi ng Panginoong Diyos o maging ni Moises at Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) na ang aklat na ibinigay sa kanila ay tinatawag na Biblia. Ang salitang biblia ay galing sa Griyegong salita na biblos na ang ibig sabihin ay aklat. Hindi ito tinawag na gayon ng Diyos kundi iginawad lamang ng tao.

Sa Qur’an, lagi nang ang Allah ang nagsasalita. Ito’y walang halo ng salita ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), ng kanyang mga kasamahan o ng isang mananalaysay. Ito’y nasa anyo na patula, patalumpati, pasalaysay at tagubilin. Ito’y ipinahayag ng Allah sa wikang Arabik at ito lamang ang tanging aklat ng kapahayagan na nananatili sa kanyang orihinal na wika magpahanggang sa ngayon. Ang mga nangaunang aklat ay nawala na at nasusulat sa ibang wika na hindi mga wika ng mga nangaunang propeta. Dagdag pa rito, ang mga aklat na yaon ay nabawasan, nadagdagan at nahaluaan na ng mga salita ng tao. Dahil dito, kinakailangan na magpadala muli ang Allah ng isang aklat-, ang Qur’an, hindi upang baguhin ang mga pangunahing turo na ibinigay Niya sa mga nangaunang Propeta kundi upang ibalik na muli ang mga nangawalang turo sa kanilang orihinal na kadalisayan.

Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa Qur’an bilang Huling Kapahayagan ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ay ipinahayag kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa pamamagitan ni Anghel Gabriel. Dito ay ibinigay ng Allah ang kabuuan at kaganapan ng Kanyang relihiyon. Ang Qur’an ang pinakadalisay na pahayag sa mga tao sa kawastuan at katotohanan. Ang Qur’an ay hindi isinulat o inakda ng tao. Ang Allah ang may akda ng Qur’an. Ito rin ay Kanyang iningatan sa habang panahon upang di mabahiran ng alinlangan at malagyan ng kamalian.

Winika ng Allah sa Qur’an:

“Ito ang Aklat (ang Qur’an), na dito’y walang alinlangan, isang patnubay sa mga matutuwid” [Qur’an, 2:2]

“At katotohanan, ito (ang Qur’an) ay isang kapahayagan mula sa Panginoon ng lahat ng sandaigdigan” [Qur’an, 26:192]

“Tunay ngang Kami lamang ang nagpahayag sa Kasulatan at katotohanang Kami ang Tagapangalaga nito.” [Quran, 15:9]

“At ang salita ng inyong Panginoon ay natupad sa katotohanan at katarungan. Walang sinuman ang maaaring bumago ng Kanyang mga salita. At Siya ang lubos na Nakakarinig, ang ganap na Maalam” [Qur’an, 6:115]

Ang Qur’an ay ipinahayag ng Allah sa wikang Arabik at ang bawat Muslim ay naniniwala na ang bawat titik ng Qur’an ay salita ng Allah. Ang Qur’an ay di lamang mga salita ng Allah na pang-ispirituwal kundi ito ay naglalaman ng banal na batas para sa sangkatauhan na tumatalakay at nagbibigay solusyon sa lahat ng bagay na kaakibat ng tao sa pamumuhay. Gayundin sa mga bagay na pampulitikal, pangkabuhayan, pangsikolohikal, sibil, pribado at publiko at marami pang iba na angkop sa lahat ng lugar at panahon, pangnakaraan, pagkasalukuyan at panghinaharap ng walang pagkupas o di-pagkakaangkop sa situwasyon.

Ang tunay na Muslim ay naniniwala na ang Kapahayagan ng Diyos ay ibinigay Niyang lahat sa Qur’an upang maging patnubay ng sangkatauhan bilang batas sa lahat ng panahon. Tangi rito, ibinigay rin naman Niya ang ibang pahayag sa pamamagitan ng mga gawa, tradisyon at mga sawikain ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na tinatawag na Ahadith sapagkat walang higit na makapagpapaliwanag at makapagbibigay kahulugan sa nilalaman ng Qur’an kundi ang Propeta ring Kanyang sinugo. Ang Qur’an ay purong Salita ng Allah na ipinahayag kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa pamamagitan ni Anghel Gabriel. Ang Ahadith (tradisyon at mga halimbawa) ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay mula rin sa Allah na ipinakita Niya sa gawa at salita ng Huling Propeta.

Ang Qur’an ay naglalaman ng lahat ng mga bagay na praktikal kung saan ang lahat ng lunas sa mga suliraning kaakibat ng tao sa pamumuhay ay matatagpuan. Ito ay isa ring ganap na patnubay sa lahat ng tao na naghahanap ng katotohanan at mga kaalaman. Dito ay pinatutunayan na rin ang di pagkilala sa kulay o lahi ng tao kundi isang pagkakapatirang buklod-buklod. Tumatalakay rin ito sa suliraning pampamilya upang mapatatag ang isang matibay na lipunan. Anupa’t ang isang matatag na pamilya ay naglalayong magbigay bunga sa isang malusog na lipunan. Sa ngayon na lubhang nagiging suliranin ang kalahian (racism) kung saan ang mga tao ay napopoot sa kanyang kapwa at nagkakaroon ng di pagkakasundo, ang paglalabanan ng mga maiimpluwensiyang bansa, ang pagiging ganid ng sangkatauhan at pag-angkin sa mga karapatan ng iba. Ang Islam lamang ang maaaring pumutol ng mga ganitong bagay sa pagpapatupad na rin at aplikasyon nito.

Sa katotohanan, ang pamilya sa Kanluran ay unti-unti ng nabubulok na bagay kung saan ang bigkis pampamilya ay unti-unti na ring nalalagot at lubhang marami ng pamilya ang nasisira. Laganap na rin nag paghihiwalay ng mag-asawa, diborsiyo, mga anak sa labas, mga ugnayang seksuwal sa labas ng matrimonyo, pakikiapid at marami pang iba. Tanging Islam lamang ang makapagbibigay lunas sa mga suliraning ganito. Anupa’t sa huling sermon ng Huling Propeta sa bundok ng Arafat ay winika niya ng ganito:

“Dalawang bagay lamang ang iiwan ko sa inyo na kung mananangan kayo ay hindi kayo mangapapaligaw; ang Qur’an at Sunnah.”

You may also read!

Bulaklak ng Bayang Pilipinas

Download >>Bulaklak ng Bayang Pilipinas-NEW

Read More...

Mobile Sliding Menu