Paano niyakap ni Ian Matti ang Islam?

In Shahada

Ako si Abdulrahman Ian Matti. Ang aking ibabahagi sa inyo ay isang karanasan na hindi man natatangi sa ibang mga kwento ngunit sana ay kapupulotan ninyo ng aral at inspirasyon sa pagbabago. Ito ay ang kwento kung bakit ko nilisan ang aking relihiyon noon at kung paano ko niyakap ang Islam.

Ako ay laking simbahan sapagkat ang nanay ko ay isang pastora. Maliban sa pangangaral ng Bibliya ay nagtuturo din siya sa pag gamit ng mga instrumentong pangmusika. At dahil dito ay nahumaling din ako sa pagtugtog lalo na sa gitara at drum. Madalas din akong sumasali sa aming praise and wordship at dito ay nagsimula akong magtanong patungkol sa katotohanan o realidad ng buhay. Minsan umaabot talaga sa punto na kahit na ang aking ina at ang ibang mga pastor ay hindi makapagbahagi ng kasagutang magpapatahimik sa aking utak. At dahil sa pakiramdam ng pagkukulang, ay lumihis ako at nahilig sa barkada.

Sa aking pakikisalamuha sa aking mga bagong kaibigan, ako’y umaasa na sila na ang makapagbibigay ng pagkakuntento sa akin. Enjoy din naman akong makasama sila, lalo na nung itinuro nila sa akin ang pag-inom habang nagkukwentohan. Sabay sabay din kaming nagpapalipas oras sa paglalaro ng computer. Sa kanila ko din natutunan ang paninigarilyo at mas lalong humigpit ang aming pagsasama nung pinasok na namin ang chix at marijuana.

Kahit pa ako ay bisyoso, nagsikap parin akong mag-aral. Sa katunayan ay natapos ko ang tatlong kurso sa koliheyo. Nung simula na ng pang-apat na kurso kong engineering doon na din lumala ang aking pagbibisyo hanggang sa tumigil na akong mag aral.

Panandalian akong tumira sa Maynila upang magpakalayo layo muna at magkaroon ng break mula sa tukso. Ngunit di ko inakala na mas malaking tukso pala ang naghihintay sa akin doon. May nakarelasyon akong isang babae at dumating sa punto na pinipikot na niya ako, para hindi ko siya iwanan at maghanap ng iba pa ay nagpanggap siyang buntis. Naniwala din ako sa kanya. Ngunit gaya ng lumang kasabihan- ang usok ay hindi maitatago at lumabas nga ang katotohanan. Nung nalaman kong hindi totoo ang kanyang pagdadalang tao ay agad ko siyang iniwan. Bumalik ako sa baryo namin at nagpasalamat na natakasan ko ang dating girlfriend ko. Ngunit iilang araw lamang mula sa aking pagbabalik ay may nakarelasyon na naman akong babae na aking nabuntis. Sa pagkakataong ito ay wala nang drama dahil confirmed na talaga. Kaya pinanindigan ko at hinarap ang aking obligasyon at pananagutan sa kanya at siya ay ang kasalukuyan kong asawa.

Nung nagkaroon kami ng dalawang anak na babae at lalaki, dito ko na naisip na tuloyang magbago. Minabuti kong maging isang mabuting asawa at ama sa aking mga anak dahil sa pagmamahal ko sa kanila. Nagtrabaho ako para sa kanila ngunit dahil sa hirap ng buhay dito sa Pilipinas ay naisip kong magsakripisyo muna sa pangingibang bansa. Kahit pa hindi ko pansamantalang makakasama ang aking pamilya ay tiniis ko para lang mabigyan sila ng magandang buhay.

Natanggap ako at nakapagtrabaho sa Riyadh. Noong una nagdadalawang isip ako na ituloy ang pag aabroad dahil gaya ng ibang mga Kristiyano, may takot ako sa mga Muslim. Nadagdagan pa ito ng higit na pagkamunghi sa kanila pag naririnig ko ang mga balita na ang mga Muslim ay terorista. May nagbigay payo pa nga sa akin na mag ingat sa mga mahahaba ang balbas dahil sila ay mga mutawa na pumapatay ng tao at namumugot ng ulo. Pero dahil itinadhana ng Diyos, ako ay napadpad sa Saudi at nakapag trabaho doon.

Isang araw, may pangkat ng mga dai’yah na nagbigay kaalaman patungkol sa mga aral at turo ng Islam. Hindi ko ito binigyan ng pansin dahil wala akong interes sa relihiyon ng mga terorista at alam ko din naman na ito ay taliwas sa aral ng simbahan namin. Pagkatapos ng kanilang pangangaral ay namigay sila ng mga babasahin, tinanggap ko nalang pero hindi ko inisip na basahin ito. Wala akong pakialam.

Sa mga araw kung saan akala mo ay may ipapadala kanang sahod sa pamilya mo dahil mayroon kanang trabaho, yun din yung oras kung saan ay tinadtad kami ng mga pagsubok. Palagi nalang nao-ospital ang aking mag ina. Sinamahan pa ng kalungkutan sa pagiging homesick sa kanila. Halos wala na akong ganang kumain o kahit man lang ang makipag-usap sa mga kasamahan ko sa trabaho. Gusto ko man umuwi hindi naman pwedi dahil mahal ang pamasahe at di pa tiyak kung papayagan ako ng contractor ko.

Sa panahon ng pighating ito habang ako ay nasa loob ng aking silid ay napansin ko ang dalawang libro na ibinigay sa akin, kinuha ko ito at sinimulang basahin, “Ang talakayan sa pagitan ng Kristiyano at Muslim” at “Ang kagandahan ng asal sa Islam.” Nagulat ako sa aking nalaman mula sa mga librong ito. Ang akala ko dati ay masamang relihiyon ay napakaganda pala. Hindi ko na namalayan na na-appreciate ko na pala ito. Kaya ako ay nanalangin na gabayan ako ng Panginoon at sana ay makilala ko kung sino nga ba talaga Siya. Naisulat ko pa ang aking dua sa cover ng librong binasa ko.

Kaya, nag aral ako patungkol sa Islam at nagbasa pa ng mga libro at pagkatapos ng mahigit dalawang buwan na pagsasaliksik, ako ay nakapagdesisyon na yakapin ang relihiyong ito at sumuko sa nag iisang Dios. Aking binanggit simula noon hanggang ngayon ang Shahada: La ilaha illa Allah.

Ito ang simula ng aking pagbabago, change is coming nga kumbaga. Lahat ng bisyo ko ay tinigil ko na. Hindi na ako umiinom o kahit naninigarilyo man lamang. Pinakasalan ko na din ang aking asawa nung ako ay nasa Saudi at siya naman ay nasa Pilipinas sa pamamagitan ng telepono, dahil sa takot ko na maging haram ang aming relasyon. At pinaintindi ko rin sa aking asawa ang Islam at niyakap niya rin ito.

Dito ko lang natagpuan sa Islam ang mga sagot sa aking katanungan, at ang pagkakuntento na matagal ko nang hinahanap. Nawala man ang mga dati kong barkada napalitan naman ito ng mga totoong kapatid na handang umalalay at tumulong sa akin sa oras ng kagipitan. At higit sa lahat ay handa silang maging lakas sa aking kahinaan.

Ngayon, ako ay patuloy parin sa pagharap sa hampas ng mga pagsubok ng buhay. Alam kong hinding hindi na ako matatalo, dahil maliban sa kaligayahang natamo ko ay alam kong kasama ko ang nag-iisang Dios na tagapaglikha na siyang nagbigay sa akin ng habag at gabay.

Naway maging masaya rin po kayo tulad ng aking nadarama sa pagkatagpo ko sa totoong relihiyon— ang Islam.

You may also read!

Bulaklak ng Bayang Pilipinas

Download >>Bulaklak ng Bayang Pilipinas-NEW

Read More...

Mobile Sliding Menu